Hindi ko malilimutan ang isang malungkot na eksena bago kami iwan ni Itay.
“Babalik ako. Huwag mong pababayaan ang sarili mo at kailangan ka ng anak mo.”
“Oo.” Sagot ni nanay habang nakangiting lumuluha.
“Ikaw ang kailangang mag-alaga ng iyong sarili. Alalahanin mo na wala ako sa tabi mo upang alagaan ka. Mahal na mahal kita.” Sabay yakap ng mahigpit.
“Ikaw ang nag-iisang babaeng minahal ko ng ganito. Ikaw ang buhay ko at kamatayan ang malayo sayo. Hindi ako magtatagal dahil hindi ko kayang mabuhay na wala ka. Mahal na mahal kita.” Lumuluhang sambit ni Itay.
“Alam mo ang dahilan kung…”
“Hindi mo kailangang magpaliwanag mahal ko. Nauunawaan kita. Mahal na mahal rin kita at ikaw rin ang aking buhay. Bago pa lang kita tinaggap bilang kasama sa buhay ay tanggap ko na na may kahati ako sa pagmamahal mo. Hindi kita ipagdaramot sa kanya. Ipangako mo lang na babalik ka sa amin ng anak mo.”
Mga ngiting hindi matabunan ng mga luha ang pabaon ni Inay kay Itay. Marahil sa kanilang mga titig ay nagkakaunawaan sila kahit naguguluhan ko sa mga pangyayari.
“Aleida, anak.” Tumingin sa akin si Itay.
“Magpapakabait ka at mag-aral na mabuti. Mahalin mo ang iyong nanay at parati mo siyang susundin. Huwag kang mag-alala at babalik ang tatay.” Mga paalala niya sa akin.
“Mahal na mahal kita anak.” At mahipit niya akong niyakap.
“Lalaya rin tayo at muling magkakasama.” Bulong niya sa akin.
Hindi ko man naunawaan ang kanyang sinabi ay sumagot pa rin ako ng opo. Iyon ang huling araw na nakasama namin si Itay. Sampung taong gulang ako nuon.
“Saan nga ba nagpunta si tatay?” Iyan ang madalas na itanong ko kay Inay.
“Mulli siyang magbabalik at malalaman mo rin ang mga kasagutan sa mga tanong mo pagdating ng takdang panahon.” Parating sagot niya sa akin.
“Bakit hindi man lang niya makuhang bumisita sa atin? Sobrang layo ba niya kaya hindi niya ito magawa? Dito ba siya sa Pilipinas nagtratrabaho o sa ibang bansa? Kriminal ba siya na nagtatago sa mga awtoridad? May ibang pamilya ba siya?”
At sa tuwing aabot kami sa puntong iyan ay iisa lang naman ang kanyang isinasagot at parating tatapusin ang usapan sa pagsasabing darating ang takdang panahon para malaman ko ang lahat.
Walong taon pang nanatiling walang kasagutan ang mga katanungan ko. Hanggang sa isang gabi na kung saan ang aking munting lihim ay nalaman ng aking ina.
“Aleida, anak.” Isang gabi sa sala bago kami matulog.
“Hindi sa pinakiki-alaman ko ang iyong mga personal na gamit. Ngunit nakita ko ang aklat na ito sa ibabaw ng maliit mong lamesa sa iyong kuwarto.”
Nanlaki ang aking mata sa hawak niyang aklat.
“Nay ipaliliwanag ko po sa inyo.”
“Hindi mo kailangang magpaliwanag anak.” Pagputol niya sa aking pagsasalita.
“Nais ko lang sabihin sayo na ang panahong iyong hinihintay upang malaman kung nasaan ang iyon ama ay dumating na.”
Tumabi siya sa akin sa pagkaka-upo.
“Mahal na mahal kita anak.”
Tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Hindi ganito ang mga luhang ipinabaon niya kay Itay nuon. May lungkot sa kanyang mga mata. Hindi ko na napigilang lumuha rin.
“Hindi ko pipigilan ang ano mang pagmumulat na iyong pinagdaraanan ngayon dahil alam ko na aabot ka sa puntong ito ng iyong buhay. Mana ka nga sa ama mo.”
Sandaling ngumiti si nanay habang nagkukuwento.
“Kung nasaan man ang iyong ama ay sa mga pinagdaraanan mo ngayon siya nag-umpisang maglakbay.”
Hindi pa man natatapos si Inay ay naunawaan ko na ang lahat.
“Ipinangako ng ama mo na siya ay muling magbabalik. Hintayin mo na lang siya anak at huwag nang sundan pa.”
At muling tumulo ang mga luha sa kanyang malungkot na mga mata.
“Ibinigay ko na ang pinakamamahal kong lalaki para sa bayan. At kahit alam ko na maaari pa rin niyang hingiin ang kaisa-isa kong anak ay hindi ko na ito mapapayagan.”
Yumuko ako na may magkahalong damdamin. Hindi ko nagugustuhan ang mga katagang binibitawan ni Inay ngunit nararamdaman ko ang kanyang pagiging isang ina.
“Aleida, anak.” Itinaas niya ang nakatungo kong ulo.
“Ang laban ng iyong ama ay nasa kabundukan.” Parang hindi ako nagulat sa sinabing ito ni Inay.
“Maaari bang dito mo na lang sa kapatagan ilunsad ang sarili mong laban? Dito sa aking piling.”
“Ipagdaramot mo ba ako sa bayan Inay?” Tanong ko sa kanya.
“Hindi kita ipinagdaramot anak. Nais ko lang naman ang makapiling ka sa aking paghihintay.”
Dalawang taon pa ang lumipas. Wala pa rin ang kalayaang inaasam. Wala pa rin si Itay. Ipinaliwanag ko sa aking Ina na ang aking pakikibaka ay ang tangi kong ambag upang muli niyang makapiling ang pagmamahal na ipinahiram niya para sa Inang Bayan.