Natutuwa ako sa mga kuwento ng mga pinsan ko mula sa Amerika kung gaano kagagaling ang mga Filipino duon. Ang halos walang pahingang pagsusumikap na maiahon ang kanilang buhay pati na ang mga mahal nila na naiwan dito sa Pilipinas. Hindi raw kayang tawaran ang kasipagan ng Pinoy duon, kumukuha ng di lang iisang trabaho para lamang makaipon upang may maipadadala sa Pinas.
Duon rin hinuhubog ang kanilang pagiging masunuring mamamayan. Ang batas kasi duon ay batas na talagang ipinatutupad na kailangang sundin mo kung ayaw mong makulong o magmulta. Isang halimbawa na raw ay ang pagmamaneho. Duon ang ipinaiiral ay ang defensive driving, hindi pwede ang pagmamaneho na parang lasing, yung pa-ekis-ekis ba sa daan. Yung pinsan ko nga sabi ng nanay at tatay ko ang galing magmaneho, hindi dahil sa mabilis, kundi dahil maingat raw talaga. Ang paggalang sa pedestrian wala ring katulad, natutunan nilang gumalang sa mga taong nasa gilid ng kalsada na nagnanais tumawid. Ang sasakyan ang umiiwas sa tao.
Duon uso pa raw ang bayanihan. Naalala ko yung kuwento ng aking tiyo. Nuong una raw silang dumating sa Amerika wala silang kamag-anak na puwedeng takbuhan kaya may mga pagkakataon na sa lansangan sila nagpapalipas ng gabi. Ngayon na maayos na ang kanilang kabuhayan sa Amerika, ang kanyang karanasan nuon ay ayaw niyang maranasan ng kaniyang mga kamag-anak o maging ng mga taong hindi niya kakilala na nagtutungo sa Amerika. Binubuksan niya ang pinto ng kanyang bahay upang maging panandaliaang tahanan ng mga wala pang matuluyan.
Kahit saang sulok ng mundo ganito ang maririnig mong kuwento. Kuwento ng kabayanihan ng mga kababayan nating piniling manirahan sa ibang bansa o nang mga kababayan nating nangibang bayan na ang dahilan ay pangkabuhayan. Hinahangaan tayo sa uri ng ating paglilingkod. Hinahanap hanap ang klase ng ating pakikipag-kapwa na puno ng puso. Ang pagiging hospitable natin dala natin kahit tayo ang dapat na nangangailangan nito. Iba talaga ang Pinoy. Maaasahan mong magiging mabuting dayuhan saan mang parte mundo.
Kailan kaya tayo magiging "Mabuting Dayuhan" sa ating sariling bayan?
Mabuti na lang ikaw na bumabasa nito ay isang mabuting mamamayan. Sana dumami pa ang lahi mo.
Saturday, May 26, 2007
Mabuting Dayuhan
Ipinatak ni macario sakay sa ganap na 7:43 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Magaling kang magsulat sa tagalog alam mo ba?
Bakit di mo gamitin ang iyong katangian upang tumulong sa pagbabago ng Bayan?
Isipin mo ito: kunwari isang ermitanyo ang nakatagpo sa iyo at nakita niya na karapatdapat kang nilalang. Kinausap ka niya at binigyan ng isang makapangyarihang agimat. Ang agimat ay kayang sumagip ng tao at kaya mo itago ang iyong totoong "identity" anumang oras na gustuhin mo.
Ngayon eto ang tanong ko sa iyo: tatanggapin mo ba ang agimat kasama ang responsibilidad nito?
Ang iyong mga panulat ay may "agimat". Bakit di mo gamitin ang kapangyarihan upang gisingin at imulat ang maraming "ligaw" na tao? Ang salita na magbubuhat sa iyo ay isang buhay na puwersa - ito ay ang iyong agimat - ang iyong kapangyarihan.
Bakit di mo subukang maging superhero?
Kailangan ka ng bansa alam mo ba?
Sumali na sa aming "lihim na kapatiran". Ikaw ay may kakampi.
Sino?
Kami.
~Organisasyong Agimat
www.agimat.org
Post a Comment