Tulad ng mga Israelita, tinahak nating mga Filipino sa kasalukuyan ang Disyerto - isang bansang batbat ng talamak na katiwalian, na pinag-uugatan ng kahirapan ng nakararami. Sa paglalakbay na ito, nagbibigay pag-asa ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Isaias: "ako'y magbubukas ng landasin sa gitna ng ilang; maging ang disyerto ay patutubigan." (Isaias 43: 19). Ang landasing ito na binubuksan ng Diyos, ang tubig na papawi ng uhaw sa katarungan, ay GANAP NA PAGBABAGO - di lamang sa loob ng bawat indibidwal, kundi sa loob ng sistemang pulitikal.
Kaya sa gitna ng walang puknat na paglaganap ng corruption sa bnsa, naninindigan kami - ang Sambayanan ng Diyos sa Novaliches - para sa MAKATOTOHANAN, MASINSINAN, AT MALAWAKANG PAGBABAGO.
Ito ang aming panawagan:
Una, ILABAS ANG BUONG KATOTOHANAN. Palabasin at huwag hadlangan ang buong katotohanan tungkol sa ZTE-NBN deal, Fertilizer Scam, ang "Hello Garci" Controvercy, at iba pang mga anomalya;
Ikalawa, MAGBIGAY-SULIT AT PANAGUTIN ANG PINAGKATIWALAAN NG KAPANGYARIHAN. Tuwirang ilahad ang pananagutan ng mga sangkot sa mga isyung nabanggit, at patawan ng karampatang parusa ang mga maysala pati na ang mga nagtatakip sa katotohanan'
Ikatlo, ISULONG ANG MALAWAKANG REPORMA sa mga balangkas at pamamaraan ng pamamahala tulad ng bisdding, procurement, loans at mga nahahawig na proseso, upang matigil na at maiwasan pa ang mga oportunidad sa pangungurakot at pandarambong.
Hanggang hindi naisasakatuparan ang tatlong bagay na ito -
- hindi kami titigil sa pangangalampag at pagpapahayag ng aming pagtutol sa kasalukuyang pamamaraan ng pamamahala na hindi nakatutugon ng sapat sa pagsupil ng corruption sa bansa'
- patuloy kaming manghihimok at manghahamon sa lahat na gumising, magsuri, manalangin, at magpahayag ng protesta sa pamamagitan ng conscientization at truth forums;
- ipapahayag namin ang aming protesta sa patuloy naming pagsama sa pagmamartsa sa lansangan, prayer rallies at vigils.
- suportahan at ipagtanggol ang mga nagtataya ng buhay sa pagbubulgar ng katiwalian sa pamahalaan;
- bantayan hanggang maresolba ang mga kaso ng katiwaliang nagaganap at matutuklasan pa mula sa aming mga baranggay hanggang sa Malakanyang;
- gamit ang mga mapayapa at demokratikong pamamaraan, tiyaking hindi mananatili sa posisyon ng kapangyarihan ang mga walang kahihiyang magsinungaling, magnakaw at manlinlang.