Google

Thursday, June 7, 2007

Kabataang Bayani....

Nakarating ako sa San Rafael sa Bulakan na kung saan ay kinikilala nila si Heneral Anacleto Enriquez bilang bayani na nagbuwis ng buhay para sa Bayan. Isang anak ng Bulakan na sa murang edad na 20 ay naging miyembro ng Katipunan na naka-base sa Bulakan sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Isidoro Torres.

Ipinanganak nong ika-24 ng Septiyembre taong 1876 sa San Nicolas, Bulakan. Ang kanyang mga magulang ay sina Don Vicente Enriquez de Jesus at Doña Petrona Sepulvida-Fernando y Gatmaitan. Ipinadala sa Ateneo Municipal de Manila para sa kanyang edukasyon kasama ng iba pa niyang kapatid na lalaki.

Hulyo ng taong 1896 sumanib sa Katipunan si Ancleto at ang kanyang kapatid na si Vicente. Sa utos ng Supremo, umuwi silang magkapatid upang magtatag ng Katipunan, at duon naitatag ang "Balangay Uliran." Ito ang grupong umatake sa "Cuartel del Guardia Civil" na ang tanging armas lamang ay itak at ilang baril. Kinilala rin si Heneral Anacleto Enriquez bilang asintado sa pagbaril, dito siya tinawag na Matang Lawin.

Nong ika-29 ng Nobyembre, sa utos ni Heneral Isidoro Torres, nagtungo ang grupong pinamumunuan ni Heneral Ancaleto Enriquez sa Buenavista sa Baliwag ngunit iniwan rin ito dahil inakala ng batang Heneral na mahirap depensahan ang lugar kung sakaling atakihin ng mga kalaban kaya nagtungo ang buong puwersa niya sa bayan ng San Rafael.

Umaga pa lang at kararating pa lang nila sa San Rafael ng dumating ang puwersa ng kalaban. Ito na ang pinaka-malaking puwersang nabuo ng mga espanyol laban sa mga rebolusyonaryong puwersa sa Bulakan. Ipinakikita lang nito na malaki ang respeto nila sa taong kanilang hinahabol. Dahil sa laki ng puwersang kinakaharap, iniutos ng batang Heneral na pumasok sa simbahan ng San Rafael upang duon lumaban hanggang sa wakas. Bago nila narating ang simbahan ay nahati pa ang kanilang puwersa dahil sa tindi ng atake ng kalaban, napahiwalay sa kanyang grupo ang kapatid na si Vicente.

Tanghali ng ika-30 ng Nobyembre lumusob sa simbahan ang buong puwersa ng kalaban. Lumaban ng buong tapang ang mga Katipunero sa pamumuno ni Heneral Anacleto Enriquez kahit na kulang sila sa armas. Mas pinili nila ang mamatay kesa sumoko sa mga kalaban. At yuon nga ang nangyari nuong araw na iyon. Napuno ng dugo ang simbahan, dugo ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan. Ayon sa kuwento ng mga saksi, hanggang bukong-bukong ang dugo na ibinuhos sa loob ng simbahan. Puno ng patay ang loob ng simbahan, kasama sa mga bangkay ang ay kay Heneral Anacleto Enriquez, ang Matang Lawin. Dito naghalo ang dugo ng mayayaman at mahihirap, mga may pinag-aralan at wala, anak ng mga Haciendero at mga anak ng tauhan nila, at ng mga Bayani at mga abusadong mananakop.

Inialay ng batang Heneral ang kanyang magandang kinabukasan para sa bayan. Mas pinili niya ang ipaglaban ang kalayan ng Bayan sa buhay ng karangyaan. Ibinuwis niya ang kanyang buhay upang makamtan ang kalayaang inaasam. Pati ang kanyang pag-ibig ay kanyang iniwan para lamang sa Bayan.

Kabataan, ikaw, ano ang hinihingi sayo ng Inang Bayan mo?

Hinihingi ba na ibuwis mo rin ang buhay mo para sa ipagtatanggol ang kalayaang tinatamasa mo ngayon? Kailangan pa bang iwan ang pag-ibig upang ipaglaban ang iyong karapatan? Kailangan pa bang tumigil ka ng pag-aaral? Kailangan pa bang isuko ang karangyaaan sa buhay?

Si Matang Lawin ay hindi tulad ng mga Bulag na Sisiw sa ating lipunan ngayon. Mga taong hindi nakikita ang tunay na kalagayan ng ating paligid, at kung nakikita man ay nagbubulag-bulagan naman. Kahit na lantaran ang pagnanakaw at pang-aabuso ay mariringgan mo pa rin ng mga katagang "hayaan mo na yan... wala tayong mapapala diyan..."

Si Matang Lawin ay hindi rin tulad ng mga Inahing Pipi. Wala na ngang nakikita wala pa rin masabi tungkol sa mga nangyayari. Kung pumutak man ang tanging maririnig mo ay ang pangungutya sa mga taong lumalaban at tumulong sa iba. Putak ng putak na buhay ng iba ang ipinuputak.

Si Matang Lawin ay hindi lalong tulad ng mga Pilay na Tandang. Wala na ngang ginagawa para sa ikauunlad ng sarili ay nagiging pabigat pa lalo. Sila yung mga ganador, pangangasta lang ang alam gawin. Mabuti sana kung makakain ang mga pinalalaking bayag nila. Silang mga sangganong matatapang na salot ng lipunan.

Panahon ba ng digmaan upang magdalawang isip ka na ipaglaban ang kalayaan at ang iyong karapatan? Hindi na kailangan ang maging si Matang Lawin ka sa panahon ngayon. May magagawa ka at ito ay hindi na nangangailangan ng mga sakripisyong tulad ng kay Anacleto. Kailangan lang ang isang Puso na Makabayan na magtutulak sa iyo na mahalin ang Inang Bayan tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Kailangan lang ang isang Puso na may Malasakit para sa kapwa na magtutulak sayo na gumawa ng mga bagay para sa kapakinabangan ng mga mahal mo sa buhay at ng iba. Kailangan rin ang isang Pusong Kumikilala sa Diyos na siyang gagabay sa iyo sa lahat ng ginagawa mo.

Mahirap ba ang hinihingi sa iyo? Kaya mong maging Bayani sa simpleng buhay na meron ka ngayon. Imulat mo ang iyong mga mata at masdan mo ang iyong paligid... kailangan ka ng kapwa mo... ng Bayan mo... may magagawa ka... kilos na... hindi ka nag-iisa...

Mabuhay si Matang Lawin at ang mga Bagong Bayani ng Bayan!!

2 comments:

Anonymous said...

napakaganda na pagkakagawa ng siping ito..marami kang mtutuhan di lamang sa mga pangyayari ng mga nakalipas na daan taon kundi maging sa mga pangyayari sa kasulukuyan..

Anonymous said...

magandang gabi...
sadyang kapupulutan ito ng aral kahit na nakalipas na ang mga pangyayaring ito...dahil maari din naman itong i-apply sa ksalukuyang buhay ngayon... binabati kita... maganda ang pagkakagawa at mga impormasyon na malalaman dito ay sadyang kapupulutan ng isang munting aral