Google

Friday, December 28, 2007

aNo kA... SinUsWeRTe?!

"Sana suwertehin ako sa darating na Bagong Taon."

Marami sa atin ang naniniwala sa mga "lucky charms" na mabibili sa Binondo. Andyan rin ang paniniwala ng ilan sa atin na ang pagsusuot ng "polka dots" ay magdadala ng suwerte sa pagpasok ng Bagong Taon. Hindi nga lang ang pagsusuot kasi pati ang paghahanda ng mga prutas na bilog ay pinaniniwalaan ring magbibigay ng suwerte.

Nuon pa man ay naguguluhan na ako sa pagiging tunay na Kristiyano nating mga Katoliko. Parati kong itinatanong sa sarili ko na anong kinalaman ng "Bilog" sa Pagpapala ng Diyos?

Hindi kasi maliwanag sa akin kung paanong makukuha sa pagsusuot ng mayroong design na bilog ang Pagpapala ng Diyos. Dahil ayon sa ating Pananampalatayang Katoliko ang Pagpapala ng Diyos ay nagmumula sa Walang Hanggang Kabutihan at Pagmamahal ng ating Diyos. At kung ito ay nagmula sa Walang Hanggang Kabutihan at Pagmamahal ng Diyos eh anong papel ngayon ng mga bilog sa kanyang pagiging Diyos?

Isa pa sa nagbibigay ng kalituhan sa akin ay ang "Paputok." Marami sa atin ang naniniwala na "itinataboy nito ang masasamang espirito." Ganon? Sana paputok na lang gamitin ng mga Pari sa kanilang house blessings kasi mas masaya diba kesa sa kandila, Holy Water at dasal. Pero masaya rin naman pala pagkatapos ng house blessings kasi mayroong pagsasaboy ng mga barya.

Hindi ko balak salungatin ang Paniniwalang ito ng mga taong ito talaga ang "pinaniniwalaan" o "relihiyong" kinabibilangan. Ang aking tinatanong ay ang mga Kristiyano na naniniwalang ang Pananampalataya kay Hesus ang siyang nagdadala ng Pagpapala, at para sa ating mga Kristiyano hindi ito maaaring tawaging Suwerte.

Bakit hindi puwedeng tawaging Suwerte? Kasi ang Pagpapala na nagmumula sa ating Diyos ay ibinigay Niya ng kusa at hindi de-roleta na kung matapat sa pangalan mo ay bibiyayaan ka Niya. Ito ay kusang ibinigay ng Diyos sa atin at hindi suwertehan lamang.

Simple lang ang hinihingi Niya sa atin, ito ay ang mahalin natin Siya ng buong puso, kaluluwa, at isip at ang mahalin ang ating Kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili.

Kunin nating halimbawa ang mga Pagpapalang ating natanggap ngayong Kapaskuhan. Hindi nga ba dahil sa pagmamahal sa atin ng ibang tao kaya tayo nakatanggap ng pagpapala ngayong Pasko? Hindi nga ba dahil sa ating Pagmamahal sa ating kapwa naging pagpapala tayo sa kanila ngayong Pasko?

Mas paniniwalaan ko na Pagpapalain ako kung ako ay nagmamahal. Anong saysay ng bilog sa aking kasuotan kung wala naman akong pagmamahal sa aking kapwa? Anong halaga ng mga bilog na prutas sa hapag kung wala naman akong kasalong kakain nito?

Ang saya siguro ng mundo kung yung ginagawa nating pagmamahalan o pagbibigayan tuwing Pasko ay ating gagawin sa buong taon. Hindi na tayo kailangan pa sigurong humanap ng ibang panghahawakang paniniwala dahil sapat na ang ating Pananampalataya upang makuha ang Pagpapalang ating inaasam. Mahalin natin ang ating Diyos sa pamamagitan ng ating Pagmamahal sa ating kapwa.

Uulitin ko lang po, ang aking punang ito ay ipinararating ko sa mga Katolikong katulad ko. Hindi ko isinulat ito para sa mga taong naiiba ang pinaniniwalaan kasi naipaliwanag na ninyo kung bakit nga kayo nagsusuot ng may bilog o bakit kayo naniniwala sa mga "lucky charms." Ang hindi ko alam ay ang isasagot ng mga Kristiyano na tulad ko. Bakit nga ba ginagawa natin ang mga bagay na iyan na minsan ay sinasaklawan ang ating Pananampalatayang Kristiyano?

Paalala lamang po sa mga Katoliko, hindi naging bahagi ng Kasaysayan ng Kristiyanismo ang mga ginagawa nating ito. Kasi kung bahagi ito ng ating Kasaysayan sana nakita na natin ang Santo Papa na may hawak na lusis tuwing Bagong Taon o nakita na natin na yung Miter niya ay may bilog-bilog na design diba?

Suwerte nga ba o isang Pagpapala? Pamahiin nga ba o Pananampalataya?

Handa akong makinig sa paliwanag ng isang Katolikong katulad ko.

Wait lang po at iiikot ko lang ang pinggan ko kasi aalis na bisita ko...

Tuesday, December 25, 2007

kASaL nG Ex kO... aBSenT aKo...

Natapos rin ang issue na ito nuong December 20, 2007. I met (R-L) Diana, Mameng, Jacqi, Eric and his girlfriend Diana. Sama-sama kaming naghapunan sa Italianni's sa Trinoma bilang pa-Christmas ko sa kanila at pagbabayad utang na rin sa hindi ko pagsipot sa kasal ni Jonah.

Sa mga hindi nakakikilala kay Jonah, siya po ang aking former girlfriend na ikinasal nuong December 1, 2007 sa Manila Cathedral.

Anyway, ano naman ang kuwento sa pangyayaring ito at kailangan pang i-blog?


Before the marriage took place tahimik ang buhay ko (as if tahimik nga). Wala ngang nagbabanggit sa akin sa darating na kasal mula sa mga kaibigan namin. Ang nakakatawa ay nuong araw ng kasal at days immediately after the wedding. Kung kailan naman kasi nagaganap yung kasal saka nagdaratingan yung mga tanong na kung pupunta ba raw ako o kung anduon na ako sa kasal. Ewan ko kung bakit naman ganun para bang may ibang meaning yung mga pagtatanong nila, o ako lang naglalagay ng ibang meaning? Feeling ko mas apektado yung mga taong nakapaligid sa akin kaysa sa akin mismo eh, hahahaha!

Isa pang nakakatawang insidente ay nuong isang araw may natanggap akong tawag from a person whom I only met when the office asked for their help regarding our office management thing. Si Pinky, she was the one who interviewed me. Anyway, tumawag siya minsan to ask me something regarding the interview, to clarify something. At eto ang nakakalerke talaga, after the Q and A over the phone may pasundot na tanong na; "kilala mo pala si Jonah?"

Hanep!

Ako na ang nagdugtong sa susunod na tanong niya, "Oo, at ikinasal siya last December 1, at totoong dati ko siyang girlfriend." Sabay tawa na lang kami pareho. Pinky told me that it was J who told her about my relationship before with Jonah. Nakakalerke diba, totoong small world, pero bakit yung kasalan ang parang dahilan ng pagliit ng mundo ko? Hahahaha!


At duon sa usapan namin ni Pinky ko unang sinagot ang tanong kung bakit hindi ako dumalo sa kasal.

Bakit nga ba?

Binalak kong dumalo ngunit kasalukuyang binubungkal ang kahabaan ng Quirino H-way kaya't ako ay nasuong sa isang napakahabang trapik. To make the story short, nahuli ako sa kasal at nahiya na akong tumuloy sa reception.

Totoo rin na inisip kong huwag na lang dumalo kasi hindi ko alam ang magiging reactions ko kung sakali man. Hindi dahil ikakasal na si Jonah sa iba, hindi ko alam ang magiging reactions ko sa pagkikita namin ng mga kapatid ni Jonah at ni Mameng. Yung tungkol kasi sa amin ni Jonah matagal na itong natapos and both of us have moved on ever since. Ang hindi ko nabigyan ng magandang pagtatapos ay ang aking naging ugnayan kay Mameng at sa mga kapatid niya.

Sa mga nakakakilala sa pamilya ni Jonah ay maaaring may idea sa mga sasabihin ko.

Inalayan ko si Jonah ng isang totoong pagmamahal. Kasama sa minahal ko sa kanya ay ang kanyang katayuan sa pamilya at ang kalagayan ng kanyang nanay at mga kapatid. Hindi lang sa salitang pagmamahal bagkos sa isang pagmamahal na may pag-aalay ng sarili. Ang presensya ko para sa kanila ay hindi ko kailan man ipinagdamot. Hindi dahil sa girlfriend ko nuon si Jonah, iniaalay ko ang panahon ko kasi ito ang kanilang kailangan nuon. Hindi lang basda makikiramay sa sitwasyon nila, kailangan nila ng isang kasama sa paglalakbay. Ano ba sa akin ang salitang sakripisyo kung hindi ko ito naranasan nuon?

Magkahalong paghanga at awa ang naramdaman ko para sa mga kapatid niya lalo na kay Mameng. Hindi ko nga maisip kung bakit may mga kabataang tumitigil sa pag-aaral dahil lang sa problema sa pamilya, samantalang eto ang isang pamilya na hindi lang gumapang, sinamahan pa iyan ng dugo at pawis, literal na dugo at pawis! Pero nakatapos naman sila sa pag-aaral.


Pinagtatawanan na nga lang namin yung mga nakaraan nuong nag-dinner kami last December 20. Sabi ko kay Mameng na bakit naman nuong kasama pa nila ako para kaming mga Lagalag kasi walang permanenteng tirahan tapos ngayong hindi na nila ako kasama may sarili na silang bahay. Tawa kami ng tawa kasi sa hirap raw kasama nila ako tapos sa ligaya naiwan ako. Hahahaha!

Pero sa totoo lang hindi naman sila ang nang-iwan, ako ang kusang umalis at ito ang isa sa bumabagabag sa aking damdamin. Hindi ako nakapagpaalam sa kanila ng maayos. Mabuti na lang at nasabi ko rin yung "Sorry" na matagal kong binalak na sabihin ngunit hindi nagkaroon ng pagkakataon na gawin.

Kay Jonah, sana sa pag-uwi nilang mag-asawa dito sa Pilipinas ay makasama ko sila kahit over dinner lang para na rin mapaabot ko sa kanila ng personal yung aking pagbati.

Ayan tapos na. Hindi ako nakarating hindi dahil sa ayaw ko pumunta, gusto ko pumunta kaya lang hindi ako umabot sa selebrasyon sa Simbahan.

Okay na po ba? Next, kasal naman ni Trisha! Hehehe, joke lang po.



Friday, December 7, 2007

LiHaM mULa sA KuLUNgaN...



December 8, 2007

Sa mga Kabatang Pinoy

Sa Pista ng Immaculada Concepcion, nakikiisa ang Mahal na Ina sa kanyang mga anak na detenido. Isang detenido din ang anak ni Maria. Dahil sa kanyang pamamahayag sa Mabuting Balita ng Kaligtasan, sa katotohanan at katarungan - nagalit ang mga nagsasaya, nagtatamasa bunga ng kanilang estado sa lipunan... Mahirap si Maria, mahirap si Jose at ang kanilang anak na Hesus.
Kasama ko dito ang mga sundalong nangarap at nangangarap pa at handang magsakripisyo para sa kanilang pangarap.

Hindi sila marahas at hindi nila hangad ang maghasik ng karahasan sa lipunan...

Marahas na ang lipunan natin. Marahas ang kahirapan - Marahas ang korapsyon - Marahas ang korteng nagpapagamit sa mga makapangyarihan at ma-perang pulitiko.

Kabataan pa din ang mga Sundalo dito - pinaka-bata 28 - pinakamatanda 36. Madalas kong pakinggan ang mga panaginip at pangarap nila. Nakapagpapalakas at nakapagpapalalim ng aking pagbibigay ng sarili sa Diyos at kapwa...
Inaalay ko ang aking mga panalangin at sakripisyo para sa inyo. Laging mangarap at managinip... at handang magsakripisyo para dito...

Para sa Diyos at Bayan,

Fr. Roberto P. Reyes





Wednesday, December 5, 2007

fR. rOBerT rEYeS...

Galing ako ng Camp Crame kahapon upang dalawin ang aking kaibigan na si Fr. Robert Reyes. Dumating kami sa Crame 15 minutes bago mananghalian. Maganda ang security na pinatutupad sa PNP Custodial Center, sa unang gate pa lang ay may pipirmahan ka na upang kilalanin kung sino ka at sino ang nais mong bisitahin, mag-iiwan ka rin ng identification card.

Pagkatapos ng isang maikling tanungan at pirmahan ay papapasukin ka na sa compound patungo sa main gate ng receiving area sa Custodial Center. Dito ay daraanan mo ulit ang ritwal na pinagdaanan mo sa unang gate. Ngunit dito ay iiwan mo na ang ilan sa mga personal na gamit gaya ng Cellphone, susi, at sinturon. Hindi ko alam kung may iba pang gamit na bawal sa loob ngunit kahapon ito lamang ang dala kasi namin.

Pagpasok mo sa second gate ay dadalahin ka sa isang maliit na room na kung saan may isang pulis na kakapkapan ka. Natuwa naman ako sa ganitong proseso kasi masisiguro ang kaligtasan hindi lang ng mga bisita pati na rin ng mga nakakulong.

Sa mga pinagdaanan namin bago makapasok ay inabot na rin kami ng lagpas pananghalian bago namin nakita ang pakay namin. Inabutan namin si Fr. Robert na kasalo sa pananghaliaan si General Lim at ang asawa nito at isa pang bisita. Hindi pa kami tuluyang nakalalapit ay sinalubong na niya kami agad, yumakap ng mahigpit at daliang nagkumustahan. pagkatapos nito ay dinala niya kami kay General Lim upang ipakilala. natawa ako sa paraan ng pagpapakilala ni Fr. Robert sa akin kay Gen. Lim, pabulong pa niyang sinabi na "General kilala mo ba kung sino ang taong iyan? Siya ang secretary ni ------, may ipapasabi ka ba?" (Hindi ko na masabi dito kung ano yung exact na sinabi) Sabay tawanan kami.

Humiwalay kami sa grupo nila Gen. Lim upang maka-usap ng personal si Fr. Robert. Kinumusta namin siya at inalam kung sino-sino na ang dumalaw sa kanya. Masaya naman na ikinuwento niya na marami na rin siyang kapatid na pari ang nakadalaw. May ilang seminarista na rin ng San Jose ang nakadalaw sa kanya. Sinabi pa nga niya na baka muli nanamang mabuhay ang GumBurZa dahil sa mga pangyayari. He is hoping that this will happen soon. Marami rin sa mga kaibigan niyang Layko ang napuntahan na siya. Ang kanyang ama at ina ay nadalaw na rin siya, bago nga kami umalis ay dumating ang kanyang nanay na may dalang gatas para sa kanya. Opo, gatas, kasi hindi po umiinom ng softdrink si Fr. Robert.

Maraming bumibisita sa kanya na mga kaibigan ngunit hindi pa rin lubos ay tuwa niya dahil may hinihintay siyang bisita na hindi pa dumarating o hindi rin niya alam kung bibisitahin pa siya. Hindi masama ang loob niya ngunit bilang isang anak, kahit pasaway na anak, ay naghahanap pa rin siya ng kalinga mula sa isang ama.

Naitanong rin namin sa kanya kung bakit siya napasok sa ganuong kalagayan. Natatawa siya habang isinasalaysay niya sa amin kung bakit siya napasok sa sitwasyon na iyon. Tulad rin ng maraming civilian na nadamay, siya ay naimbitahan nuong araw lang na iyon at wala silang alam sa mga nangyari. Bilang kaisa sa panawagan ng pagbabago at sa paghahanap ng katotohanan ay pinaunlakan niya ang paanyaya. Inimbitahan lamang siya upang magmisa sa Ninoy Aquino Statue, ayun, siya ngayon ata ang nangangailangan ng misa. Hahaha!

Ikinuwento pa nga niya sa amin ang isang nakatutuwang karanasan niya sa Tsina na kung saan ang kanyang mga estudyante ay niloloko siya. Tuwing umuuwi raw siya ng Pilipinas may malaking estorya na nagaganap. Unang estorya ay nuong pagsabog sa Glorietta. Kararating pa lamang niya nang maganap ang pagsabog. Sumunod naman ay yuong sa Batasan. Papalapag ang eroplano na sinasakyan niya sa NAIA nang sumabog ang bomba sa Batasan. Ngayon sa pangatlong pagkakataon ito naman ang nangyari. Meron ata siyang balat sa puwet! hahahahaha!

Hindi niya pinagsisisihan ang kanyang kalagayan ngayon. Sabi nga niya na blessing ito dahil may nagagawa siya para sa mga nakakulong ngayon sa Crame. Kahit na nga ang balitang pagdadala sa kanila sa Bilibid ay hindi niya kinatatakutan. "Prison Ministry is also my ministry" sabi niya. Kahit sa bantang ganito ang nasa isip pa rin niya ay makapaglingkod. Saan ka pa diba?

Masaya ang kuwentuhan namin, walang nasayang na oras dahil sa bawat binibitiwang salita ni Fr. Robert ay lalo mong makikilala ang totoong taong tinagurian ng iba na may sira sa ulo. Hindi pulot sa pusali ang mga salita ni Fr. Robert, lahat ng mga ito ay hinuhugot niya mula sa kanyang mahabang karanasan sa pagmumulat at pagsasabuhay ng kanyang pinaniniwalaan.

Mahigit sampong taon ko nang kilala si Fr. Robert, at alam ko kung anong klaseng tao siya. Kahit maraming umaangal na Parishioner sa kanya ay wala naman isa sa mga ito ang umangal dahil si Fr. Robert ay lasenggo o may babae o nanlalalaki. Matuwid na pamumuhay at tapat na pagganap sa kanyang bokasyon ang mamamalas mo sa kanya.

Makikita mo rin sa kanyang pamumuhay ang itinuturong pagiging simple. Baka ikaw na bumabasa ngayon nito ay may airconditioning pa sa kuwarto? Si Fr. Robert hindi gumagamit niyan kahit pa sa kanyang dating mga opisina. Ikaw baka after a year or months from your work eh may bago ka na kotse? Si Fr. Robert bago bumili ng kotse niya lagpas 10 years na siya sa pagiging pari. Baka ikaw 2 blocks lang ang layo ng pupuntahan sumasakay ka pa ng taxi? Si Fr. Robert naglalakad lang iyan kung malapit lang ang pupuntahan. Tumatakbo siya para sa kalikasan pero hindi lang puro takbo ginawa niya, nagtatanim rin siya at nanghihikayat ng iba na magtanim rin. He walk his talk eka nga.

Hindi niya hangad na tanggapin siya ng lahat ng tao, sapat na sa kanya ang pangilagan siya ng mga taong apektado sa kanyang pamamaraan ng pagpuna. Maraming nagagalit sa kanya dahil sa kakaibang paraan niya, pero mas maraming nagagalit sa kanya kasi tinatamaan sila sa mga mensahe niya. Baka nga ikaw minura mo na siya diba? Okay lang kasi hindi naman kayang saktang ng mga mura natin ang kanyang kaluluwa.

Umalis kami sa Crame na may kaunting lungkot dahil iiwan namin ang isang taong nasa kulungan na alam namin ay walang kasalanan sa kasong isinampa sa kanya. Ngunit may tuwa rin naman kaming nararamdaman dahil alam namin na bahagi lamang ito ng paglilinis sa bulok na pamumuno ni Gloria.

Babalik ako ng Crame kasi may mensahe siyang isusulat para sa Kabataan. Sana hindi na nga ako kailanganin pa na dumalaw ulit, sana makalaya na siya.