"Sana suwertehin ako sa darating na Bagong Taon."
Marami sa atin ang naniniwala sa mga "lucky charms" na mabibili sa Binondo. Andyan rin ang paniniwala ng ilan sa atin na ang pagsusuot ng "polka dots" ay magdadala ng suwerte sa pagpasok ng Bagong Taon. Hindi nga lang ang pagsusuot kasi pati ang paghahanda ng mga prutas na bilog ay pinaniniwalaan ring magbibigay ng suwerte.
Nuon pa man ay naguguluhan na ako sa pagiging tunay na Kristiyano nating mga Katoliko. Parati kong itinatanong sa sarili ko na anong kinalaman ng "Bilog" sa Pagpapala ng Diyos?
Hindi kasi maliwanag sa akin kung paanong makukuha sa pagsusuot ng mayroong design na bilog ang Pagpapala ng Diyos. Dahil ayon sa ating Pananampalatayang Katoliko ang Pagpapala ng Diyos ay nagmumula sa Walang Hanggang Kabutihan at Pagmamahal ng ating Diyos. At kung ito ay nagmula sa Walang Hanggang Kabutihan at Pagmamahal ng Diyos eh anong papel ngayon ng mga bilog sa kanyang pagiging Diyos?
Isa pa sa nagbibigay ng kalituhan sa akin ay ang "Paputok." Marami sa atin ang naniniwala na "itinataboy nito ang masasamang espirito." Ganon? Sana paputok na lang gamitin ng mga Pari sa kanilang house blessings kasi mas masaya diba kesa sa kandila, Holy Water at dasal. Pero masaya rin naman pala pagkatapos ng house blessings kasi mayroong pagsasaboy ng mga barya.
Hindi ko balak salungatin ang Paniniwalang ito ng mga taong ito talaga ang "pinaniniwalaan" o "relihiyong" kinabibilangan. Ang aking tinatanong ay ang mga Kristiyano na naniniwalang ang Pananampalataya kay Hesus ang siyang nagdadala ng Pagpapala, at para sa ating mga Kristiyano hindi ito maaaring tawaging Suwerte.
Bakit hindi puwedeng tawaging Suwerte? Kasi ang Pagpapala na nagmumula sa ating Diyos ay ibinigay Niya ng kusa at hindi de-roleta na kung matapat sa pangalan mo ay bibiyayaan ka Niya. Ito ay kusang ibinigay ng Diyos sa atin at hindi suwertehan lamang.
Simple lang ang hinihingi Niya sa atin, ito ay ang mahalin natin Siya ng buong puso, kaluluwa, at isip at ang mahalin ang ating Kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili.
Kunin nating halimbawa ang mga Pagpapalang ating natanggap ngayong Kapaskuhan. Hindi nga ba dahil sa pagmamahal sa atin ng ibang tao kaya tayo nakatanggap ng pagpapala ngayong Pasko? Hindi nga ba dahil sa ating Pagmamahal sa ating kapwa naging pagpapala tayo sa kanila ngayong Pasko?
Mas paniniwalaan ko na Pagpapalain ako kung ako ay nagmamahal. Anong saysay ng bilog sa aking kasuotan kung wala naman akong pagmamahal sa aking kapwa? Anong halaga ng mga bilog na prutas sa hapag kung wala naman akong kasalong kakain nito?
Ang saya siguro ng mundo kung yung ginagawa nating pagmamahalan o pagbibigayan tuwing Pasko ay ating gagawin sa buong taon. Hindi na tayo kailangan pa sigurong humanap ng ibang panghahawakang paniniwala dahil sapat na ang ating Pananampalataya upang makuha ang Pagpapalang ating inaasam. Mahalin natin ang ating Diyos sa pamamagitan ng ating Pagmamahal sa ating kapwa.
Uulitin ko lang po, ang aking punang ito ay ipinararating ko sa mga Katolikong katulad ko. Hindi ko isinulat ito para sa mga taong naiiba ang pinaniniwalaan kasi naipaliwanag na ninyo kung bakit nga kayo nagsusuot ng may bilog o bakit kayo naniniwala sa mga "lucky charms." Ang hindi ko alam ay ang isasagot ng mga Kristiyano na tulad ko. Bakit nga ba ginagawa natin ang mga bagay na iyan na minsan ay sinasaklawan ang ating Pananampalatayang Kristiyano?
Paalala lamang po sa mga Katoliko, hindi naging bahagi ng Kasaysayan ng Kristiyanismo ang mga ginagawa nating ito. Kasi kung bahagi ito ng ating Kasaysayan sana nakita na natin ang Santo Papa na may hawak na lusis tuwing Bagong Taon o nakita na natin na yung Miter niya ay may bilog-bilog na design diba?
Suwerte nga ba o isang Pagpapala? Pamahiin nga ba o Pananampalataya?
Handa akong makinig sa paliwanag ng isang Katolikong katulad ko.
Wait lang po at iiikot ko lang ang pinggan ko kasi aalis na bisita ko...
Friday, December 28, 2007
aNo kA... SinUsWeRTe?!
Ipinatak ni macario sakay sa ganap na 4:04 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment