Google

Tuesday, January 1, 2008

Para maiba naman...

Pumasok ang bagong taon na may sakit ako. Mabuti na lang hindi ako naniniwala sa mga pamahiin kasi ang lungkot naman ng buhay ko kung buong taon may sakit ako.

Pero hindi naman bago sa akin ang pagkakaroon ng sakit tuwing dumarating ang kapaskuhan at ang pagpasok ng bagong taon. Nag-aaral pa lamang ako parati na akong nagkakasakit sa ganitong panahon.

Ang nakikita kong dahilan ay over fatigue. Bago pa lang dumating ang pasko sagad na ang katawan ko sa pagod. Bumigay na nga ang katawan ko nuong isang araw at naramdaman ko ito pauwi ako ng bahay galing ng SM North Edsa bandang 9PM. Pero dahil sa parang nakasanayan ko na nga ang pagkakasakit hindi ko ito pinansin at gumala pa rin kinabukasan at nagtungo naman ako ng SM Fairview. Bago pa lang ako makasakay ng jeep alam ko na na nilalagnat na ako pero tumuloy pa rin ako. Dahil sa abusong natamo ng aking katawan dumating ako ng bahay na may mataas na lagnat.

Bumili ako ng gamot kahit hindi ako sanay na uminom ng gamot. Sa aking isip alam ko na hindi ako puwedeng magkasakit kasi Media Noche na at ako ang magluluto. Ipinahinga ko lang ng buong hapon ang lagnat ko. Hindi ito nawala ngunit alam ko naman na kaya ko ang aking katawan. Naupo na lang ako sa harap ng computer at hinintay ang oras para sa pagluluto ng pagsasaluhan namin bilang pagsalubong sa bagong taon.

10:30PM inumpisahan ko na ang pagluluto. Wala pang hating gabi ay tapos na kaming kumain at naghihintay na lamang sa isang maingay na pagsalubong sa bagong taon. Sa mga oras na ito talagang dama ko na ang mataas na lagnat. Kaya lang talagang ibang klase ako sa pagdadala ng lagnat. Ako lang ang miyembro sa pamilya na hindi kinukumbulsyon kahit mahigit 40 na ang lagnat. Naalala ko na ang mga pinsan ko nakakakita na ng mga lumilipad kahit 39 pa lang ang lagnat. Sa maikling salita sinalubong ko ang bagong taon na may mataas na lagnat.

Gumising ako kanina pasado 10AM na para lang maipahinga ko ng husto ang katawan ko. Pero hindi pa rin ito nangyari kasi habang nagluluto ako ng aking kakainin ay nagdatingan na ang ang aking kapatid kasama ang kanyang mga anak. Luto nanaman ako para sa pananghaliaan naming lahat. Hindi pa ako nakakalahati sa pagluluto may dumating na mga bisita ang kapatid ko. Alam nyo na ang nangyari, humaba pa ang aking pagluluto.

Natapos ang pananghalian namin na nilalagnat pa rin ako. Pagkatapos ko uminom ng gamot balik na ako sa hingaan. Ngayon may lagnat pa rin ako ngunit nararamdaman ko na iiwan na rin ako nito pagkatapos ng gabing ito.

Paano ko kaya maiiwasan ang ganitong kalagayan sa mga darating na panahon? Kung over fatigue ang nakikita kong dahilan eh kaya ko bang hindi magpagod tuwing darating ang kapaskuhan? Parang malabo na mangyari yun. Siguro mas bibigyan ko ng pansin ang pagkakaroon ng isang healthy na lifestyle ngayong 2008.

Inaamin ko na hindi ako isang health buff. Ang exercise ko lang ay yung paglalakad ko papasok ng opisina tuwing umaga. Maliban dun wala na akong exercise sa katawan. Mas marami siguro akong magagawa kung healthy ang pangangatawan ko. Kai minsan ang dahilan ng hindi ko pagganap sa isang mahalagang gawain ay ang nararamdaman kong pagod sa katawan.

Korek! New year's resolution ko ang pagkakaroon ng isang healthy lifestyle! Para maiba naman.


1 comment:

Anonymous said...

ang katawang lupa ay tunay na kailangan ng pahinga....

maraming salamat sa iyo at kahit nilalagnat ka...patuloy ang iyong pagsisilbi sa lahat...

sabi mo nga..para maiba..
Healthy Lifesyle tayo ngayong 2008