Galing ako ng Camp Crame kahapon upang dalawin ang aking kaibigan na si Fr. Robert Reyes. Dumating kami sa Crame 15 minutes bago mananghalian. Maganda ang security na pinatutupad sa PNP Custodial Center, sa unang gate pa lang ay may pipirmahan ka na upang kilalanin kung sino ka at sino ang nais mong bisitahin, mag-iiwan ka rin ng identification card.
Pagkatapos ng isang maikling tanungan at pirmahan ay papapasukin ka na sa compound patungo sa main gate ng receiving area sa Custodial Center. Dito ay daraanan mo ulit ang ritwal na pinagdaanan mo sa unang gate. Ngunit dito ay iiwan mo na ang ilan sa mga personal na gamit gaya ng Cellphone, susi, at sinturon. Hindi ko alam kung may iba pang gamit na bawal sa loob ngunit kahapon ito lamang ang dala kasi namin.
Pagpasok mo sa second gate ay dadalahin ka sa isang maliit na room na kung saan may isang pulis na kakapkapan ka. Natuwa naman ako sa ganitong proseso kasi masisiguro ang kaligtasan hindi lang ng mga bisita pati na rin ng mga nakakulong.
Sa mga pinagdaanan namin bago makapasok ay inabot na rin kami ng lagpas pananghalian bago namin nakita ang pakay namin. Inabutan namin si Fr. Robert na kasalo sa pananghaliaan si General Lim at ang asawa nito at isa pang bisita. Hindi pa kami tuluyang nakalalapit ay sinalubong na niya kami agad, yumakap ng mahigpit at daliang nagkumustahan. pagkatapos nito ay dinala niya kami kay General Lim upang ipakilala. natawa ako sa paraan ng pagpapakilala ni Fr. Robert sa akin kay Gen. Lim, pabulong pa niyang sinabi na "General kilala mo ba kung sino ang taong iyan? Siya ang secretary ni ------, may ipapasabi ka ba?" (Hindi ko na masabi dito kung ano yung exact na sinabi) Sabay tawanan kami.
Humiwalay kami sa grupo nila Gen. Lim upang maka-usap ng personal si Fr. Robert. Kinumusta namin siya at inalam kung sino-sino na ang dumalaw sa kanya. Masaya naman na ikinuwento niya na marami na rin siyang kapatid na pari ang nakadalaw. May ilang seminarista na rin ng San Jose ang nakadalaw sa kanya. Sinabi pa nga niya na baka muli nanamang mabuhay ang GumBurZa dahil sa mga pangyayari. He is hoping that this will happen soon. Marami rin sa mga kaibigan niyang Layko ang napuntahan na siya. Ang kanyang ama at ina ay nadalaw na rin siya, bago nga kami umalis ay dumating ang kanyang nanay na may dalang gatas para sa kanya. Opo, gatas, kasi hindi po umiinom ng softdrink si Fr. Robert.
Maraming bumibisita sa kanya na mga kaibigan ngunit hindi pa rin lubos ay tuwa niya dahil may hinihintay siyang bisita na hindi pa dumarating o hindi rin niya alam kung bibisitahin pa siya. Hindi masama ang loob niya ngunit bilang isang anak, kahit pasaway na anak, ay naghahanap pa rin siya ng kalinga mula sa isang ama.
Naitanong rin namin sa kanya kung bakit siya napasok sa ganuong kalagayan. Natatawa siya habang isinasalaysay niya sa amin kung bakit siya napasok sa sitwasyon na iyon. Tulad rin ng maraming civilian na nadamay, siya ay naimbitahan nuong araw lang na iyon at wala silang alam sa mga nangyari. Bilang kaisa sa panawagan ng pagbabago at sa paghahanap ng katotohanan ay pinaunlakan niya ang paanyaya. Inimbitahan lamang siya upang magmisa sa Ninoy Aquino Statue, ayun, siya ngayon ata ang nangangailangan ng misa. Hahaha!
Ikinuwento pa nga niya sa amin ang isang nakatutuwang karanasan niya sa Tsina na kung saan ang kanyang mga estudyante ay niloloko siya. Tuwing umuuwi raw siya ng Pilipinas may malaking estorya na nagaganap. Unang estorya ay nuong pagsabog sa Glorietta. Kararating pa lamang niya nang maganap ang pagsabog. Sumunod naman ay yuong sa Batasan. Papalapag ang eroplano na sinasakyan niya sa NAIA nang sumabog ang bomba sa Batasan. Ngayon sa pangatlong pagkakataon ito naman ang nangyari. Meron ata siyang balat sa puwet! hahahahaha!
Hindi niya pinagsisisihan ang kanyang kalagayan ngayon. Sabi nga niya na blessing ito dahil may nagagawa siya para sa mga nakakulong ngayon sa Crame. Kahit na nga ang balitang pagdadala sa kanila sa Bilibid ay hindi niya kinatatakutan. "Prison Ministry is also my ministry" sabi niya. Kahit sa bantang ganito ang nasa isip pa rin niya ay makapaglingkod. Saan ka pa diba?
Masaya ang kuwentuhan namin, walang nasayang na oras dahil sa bawat binibitiwang salita ni Fr. Robert ay lalo mong makikilala ang totoong taong tinagurian ng iba na may sira sa ulo. Hindi pulot sa pusali ang mga salita ni Fr. Robert, lahat ng mga ito ay hinuhugot niya mula sa kanyang mahabang karanasan sa pagmumulat at pagsasabuhay ng kanyang pinaniniwalaan.
Mahigit sampong taon ko nang kilala si Fr. Robert, at alam ko kung anong klaseng tao siya. Kahit maraming umaangal na Parishioner sa kanya ay wala naman isa sa mga ito ang umangal dahil si Fr. Robert ay lasenggo o may babae o nanlalalaki. Matuwid na pamumuhay at tapat na pagganap sa kanyang bokasyon ang mamamalas mo sa kanya.
Makikita mo rin sa kanyang pamumuhay ang itinuturong pagiging simple. Baka ikaw na bumabasa ngayon nito ay may airconditioning pa sa kuwarto? Si Fr. Robert hindi gumagamit niyan kahit pa sa kanyang dating mga opisina. Ikaw baka after a year or months from your work eh may bago ka na kotse? Si Fr. Robert bago bumili ng kotse niya lagpas 10 years na siya sa pagiging pari. Baka ikaw 2 blocks lang ang layo ng pupuntahan sumasakay ka pa ng taxi? Si Fr. Robert naglalakad lang iyan kung malapit lang ang pupuntahan. Tumatakbo siya para sa kalikasan pero hindi lang puro takbo ginawa niya, nagtatanim rin siya at nanghihikayat ng iba na magtanim rin. He walk his talk eka nga.
Hindi niya hangad na tanggapin siya ng lahat ng tao, sapat na sa kanya ang pangilagan siya ng mga taong apektado sa kanyang pamamaraan ng pagpuna. Maraming nagagalit sa kanya dahil sa kakaibang paraan niya, pero mas maraming nagagalit sa kanya kasi tinatamaan sila sa mga mensahe niya. Baka nga ikaw minura mo na siya diba? Okay lang kasi hindi naman kayang saktang ng mga mura natin ang kanyang kaluluwa.
Umalis kami sa Crame na may kaunting lungkot dahil iiwan namin ang isang taong nasa kulungan na alam namin ay walang kasalanan sa kasong isinampa sa kanya. Ngunit may tuwa rin naman kaming nararamdaman dahil alam namin na bahagi lamang ito ng paglilinis sa bulok na pamumuno ni Gloria.
Babalik ako ng Crame kasi may mensahe siyang isusulat para sa Kabataan. Sana hindi na nga ako kailanganin pa na dumalaw ulit, sana makalaya na siya.
Wednesday, December 5, 2007
fR. rOBerT rEYeS...
Ipinatak ni macario sakay sa ganap na 6:21 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment